Travel Diaries
Disyembre 1, 2014
Iriron, Calintaan, Mindoro Occidental
Post-climb, Mts. Iglit-Baco Hike
Nakahiga ako sa mainit na buhanging yumayakap sa aking basang katawan, habang ang mga alon ay nag-uunahang hagkan ang aking mga talampakan; minamasdan ko ang kay lawak lawak na kalangitan—ang puti at asul na lambong na nakatalukbong sa kalupaan at karagatan, tinatakpan ang kanilang kapwa kahubdan, pinag-iisa ang lahat lahat sa kanyang yapos. Di ko masino kung saan ang mas tiyak ang pagkalunod, ang lapad ng langit o ang lalim ng dagat.
Tanaw ko ang walang laylayang dagat. Tanaw ko ang mga ibon sa isang piling sandali ng kanilang migrasyon. (Hindi yata't kahit ibon ay may pagnanasa sa kanyang loob na maglakbay. Di ako nag-iisa.) Hindi ko alam kung sa paanong paraang may isang bahagi ng aking kaluluwa ang sumama sa kanilang paglipad. May isang bahagi ko ang unti-unting muling kumakawala sa pagtanda, at sumusubok muling ikampay ang mga pagod na bagwis—mangarap na para bang ang buhay ay nagsisimula pa lang.
Napakalawak ng mundo. At ako. Ako ay isang maliit na tuldok sa umaalong dagat ng mga damo. Isang tuldok sa sumisinghap na karagatan. Isang tuldok sa pinong buhangin ng aplaya. Isang tuldok sa daigdig.
Hindi ako ang daigdig. (Lagi ko itong natutuhan tuwinang ako'y maglalakbay.) Ngunit sa aking loob ay isang uniberso ng mga gunita, danas, at tula.
Napakalawak ng mundo, ngunit kasya ang lahat lahat ng narito sa puso kong sinlaki lamang ng isang ikinuyom na kamao.