Kung may pag-iisipan man akong ibilang sa ililibing sa Libingan ng mga Bayani, ang mga slain journalist 'yun.
Kay Marlene
Habangbuhay nang pinatahimik ang ‘yong tinig,
Tumigil pati panulat sa paghihimagsik,
Sinupil pilit ang liwanag ng iyong sulo,
Pinagdilim nang tuluyan ng bangis ng punglo.
Ganito bang kapalaran ng mga tulad mo?
Ito ba ang tropeo ng ‘yong mga prinsipyo?
Totoo yatang ang katotohanang ‘pinaglaban
Ay laan lang sa mga makapangyarihan.
Ngunit paano ka ba napadpad sa panganib?
Di ba’t dapat ay tahimik ang buhay ng chemist?
Mundo mo’y laboratoryo’t larangan ay syensya.
Ano nga bang nangyari’t landas mo ay naiba?
Aba! Oo nga, sa laboratoryo ka noon.
Nagtiis sa gamit na nilaos ng panahon.
Hanggang sa isang pagtitipon ay malaman mong
Nakalaang pera pala’y daan-daang libo.
Paano nga bang hindi aahon sa ‘yong dibdib
Ang pag-aalimpuyo ng makat’wirang galit?
Habang nagkakasya ang taumbayan sa palya
Mga pinuno nila’y nagpapasasa pala.
Magsasaka’y bibigyan ng patabang matabang;
May patubig na di totoo’t binadyetan lang
Para makapagbulsa ang mga nasa pwesto.
Sa kaunti’y biyaya; sa marami’y perwisyo.
At gaya nga ng isang mahusay na siyentista,
Masusing piniho ang mga ebidensya;
Inaral mabuti ang mga posibilidad.
Sa loob ng higit sampung tao’y nangalampag.
Ilang dosenang kaso rin ang naihain mo
Ilan ang chicken smuggling umano ni Prospero;
Fertilizer scam laban kina Arthur at Jocjoc;
At GSIS contributions na nakurakot...
Sa tagal ng due process, ikaw rin ang nanawa
At marahil ay nawalan na rin ng tiwala
Nilipat lang ng ahensya ang mga ‘hinabla,
Napalitan lamang ang mga posisyon nila.
Pero di ang tulad mo ang basta sumusuko.
Humanap ka ng paraan. Hindi ka huminto.
Isinatitik ang mga exposè sa dyaryo.
Katiwalia’y nilantad sa bisa ng radyo.
Nagagalit nga sa iyo ay lalong dumami,
Ganoon yata kung gumagawa ng mabuti.
Inaalmusal mo ay mga banta sa buhay
Na lalong nagpakulay sa mundo mong makulay*
Sanay ka kamo sa delikado’t di ka takot.
Kung gusto ng pagbabago’y dapat makisangkot.
Nakukuha mo pa ngang mag-make up, magpaganda
Para kamo kahit patayin ay maganda ka.
At dumating nga itong hindi inaasahan...
Hwebes Santo. Kasalo mong anak sa hapunan.
Sa sala’y biglang pumasok ang isang lalaki
Tumingin sa iyo’t sabi’y, “Ma’am, magandang gabi.”
Ngunit bago ka pa magtanong ng “Sino sila?”
Kay bilis na ngang sumabat ang putok ng bala.
Naiwan kang lungayngay, tahimik, walang kibo,
Binawi ang ‘yong buhay, sa harap pa ng bunso.
Sa magkano lang halaga, kinitil ang ‘yong buhay!
Isandaang libo lang bang katumbas ng alay?
Habang nakulong ang kumalabit ng gatilyo,
Nanatiling malaya silang mga nagplano.
Ganito bang kapalaran ng mga tulad mo?
Ito ba ang tropeo ng ‘yong mga prinsipyo?
Totoo yatang ang katotohanang ‘pinaglaban
Ay laan lang sa mga makapangyarihan.
Habangbuhay nang pinatahimik ang ‘yong tinig,
Tumigil pati panulat sa paghihimagsik,
Sinupil pilit ang liwanag ng iyong sulo,
Pinagdilim nang tuluyan ng bangis ng punglo.
Pero nasaan ka ma’y huwag kang malulungkot.
Hindi naman nabalewala ang iyong pagod.
Di ba’t wala namang nabibigong rebolusyon,
Lahat ay hakbang tungo sa tagumpay ng layon.
Sapat na marahil ang binuhay mong lagablab
Sa dibdib ng lahat nilang nagsusumikap.
Hangga’t may api at may kailangang ibunyag
Di mauubos matapang na mamamahayag
Mahal ang hustisya, minsa’y buhay ang kapalit
At ang laban ng katotohanan ay malupit.
Ngunit ang apoy ay hindi kayang apulahin.
Maraming salamat Marlene. Di ka lilimutin.
Habangbuhay ay walang magbubusal sa tinig,
Di titigil ang panulat sa paghihimagsik,
Magniningning nga ang liwanag ng libong sulo,
Pagdilimin mang pilit ng mabangis na punglo.
*kilala si Marlene sa kanyang makulay na pananamit
***
Si Marlene- Garcia Esperat ay isang chemist para sa Department of Agriculture sa Rehiyon XXII ng Mindanao. Sa kanyang paglilingkod roon ay nagtiis siya sa kulang at lumang kagamitan. Hanggang sa isang pambansang pagtitipon ay matuklasan niyang ang natatatangap niyang pondo ay kulang pa sa kalahati ng dapat na dumarating. Sa kanyang pag-iimbestiga, makikita niya ang malalim at malawak na sistema ng korupsyon sa kanyang departamento habang ang mga magsasakang umaasa sa pondong dapat ay sa kanila ay nauuwi sa mababang uring binhi, pataba at iba pang suplay. May mga proyektong irigasyon din na di umano’y binabadyetyatan ngunit sa badyet lang totoo. Dito magsisimula ang kaniyang krusada laban sa katiwalian.
Ilan sa mga sumikat na exposè niya ay ang umano’y pagbili ng Department of Agriculture ng overpriced na fertilizer upang gamtin ang pondo sa eleksyon noong 2004; ang di pagreremit ng GSIS premiums sa sabwatan di umano ng Finance Officer and Regional Accountant ng Region 12 at ang panununog aniya ng opisina ng departamento sa Cotabato upang mawala ang mga ebidensya; at ang umano’y pagkakasangkot ng isang kongresman sa smuggling ng manok sa bansa.
Dahil sa bagal ng gulong ng hustisya, nagpasya siyang maging manunulat para sa kanyang kolum na “Madame Witness” sa pahayagang Midland Review ng Tacurong, Sultan Kudarat. Siya rin ay naging brodkaster para sa isang programa ng Radyo Natin.
Siya ay isa lamang sa marami pang buhay na kinitil sa ngalan ng katotohanan. Pangalawa na ang Pilipinas, sumunod lamang sa Iraq, sa itinuturing na pinakamapanganib na lugar para sa mga mamamahayag. Sa pagpatay kay Ernesto Rollin ng Oroquieta City noong Pebrero 23, 2009, umabot na sa isandaan ang bilang ng mga pinaslang mula lamang noong 1986. Animnapu’t apat sa isandaang ito ay pinatay sa panahon ng kasalukuyang administrasyon. Sila ay di lamang mga numero, sila ay isandaang taong may mga magulang, asawa at anak na pilit pinatahimik dahil trabaho nila ang magsalita at magsiwalat.
Sa gulang na apatnapu’t lima, Si Marlene ay pinatahimik ng kalibre .45 baril sa harap ng kanyang mga anak na kasabay niyang naghahapunan gabi ng Marso 24, 2005, Huwebes Santo.