Aakyat tayo ng bundok. Sasakay tayo ng mga bangka, mga eroplano, mga barko! Maglalakad tayo sa gitna ng mga pilapil. Lulusong sa putikan. Dadamhin ang buhangin sa ating mga talampakan. Sabay tayong pipikit at dadamhin ang hangin sa ating mukha, sasamyuin ang hanging amoy pinipig o prutas o bagong tabas na damo.
Nais kitang dalhin sa mga parke, museo, mga bundok, mga bukirin, sa zoo. Hindi kita hihiratihin sa mga mall na magtuturo lamang sa iyo na ang pagbili ng mga bagay--ang bago, ang uso, ang mahal ang halaga--ang nakapagpapasaya sa tao. Gusto kong maimulat ka sa kagandahan ng daigdig. Sisikapin kong gumising ng maaga para pagdating mo, sabay nating panonoorin ang pagsikat ng araw. Sabay tayong magpapasalamat sa Diyos sa panibagong pagkakataong mabuhay. Nais kong maipakita sa iyo na ang pinakamahalaga ay iyong mga bagay na walang katumbas na presyo. Noong bata pa ako, iniisip kong isa lamang itong cliche--gasgas na linya. Pero totoo, Anak. Hindi tuwinang maligaya ang buhay. May bagyo, may gabi, may mga kabiguan. Ngunit sa huli, ang pinakamahalaga ay: tahanang mauuwian sa tuwinang masasaktan, mainit na bisig na magtataboy sa lamig nang kalungkutan, pagkakaibigang tunay, kapayapaan ng puso, alab ng pangarap, relasyon sa Maykapal at kabatirang hindi tayo nabubuhay para lamang sa ating mga sarili… Kay rami kong gustong ipakita sa iyo. Kay rami kong gustong maranasan sa piling mo. Sigurado akong ang pagdating mo sa akin ay magbubukas ng napakaraming mga pintuan--isang bagong mundo at kalawakan ng mga posibilidad. Kay rami mo ring maituturo sa akin, alam ko. Gaya nang pag-asa at paniniwala na may magic pa rin sa totoong buhay; na bagamat hindi natutupad ang lahat ng pangarap, may mga mas magagandang ibibigay na higit pa sa aking kagustuhan o inaasahan.
Alam mo, Anak, pangarap kong maging kasing husay na magulang gaya ng nanay at tatay ko. Kahit hindi kami mayaman, pakiramdam ko ay isa pa rin ako sa mga napakapalad na tao dahil sila ang aking naging pamilya. Sana, mahalin mo rin akong gaya nang kung paano ko sila mahal. Sana, ang yakap ko'y iyong maging takbuhan--isang lugar na sigurado kang lagi kang ligtas.
Hindi ko sasabihing maibibigay ko sa iyo ang lahat. Ang magagawa ko lamang ay sikaping mapalaki kang may bukas na mga mata sa kalagayan ng ating kapwa-tao at mundo, may pusong hindi nawawalan ng pananalig na masarap pa ring mabuhay, na bawat araw ay biyaya, na tayo ay isinilang na may dahilan. Ikaw pa rin ang gagawa ng buhay mo. Nasa iyong kamay pa rin ang mga desisyon kung anong daan ang nais mong tahakin. Kasabay ng pagsilang mo, ay batid kong kasabay ring isisilang sa aking puso ang pagnanais na magtagumpay ka sa alinmang larangang iyong pipiliin--tagumpay hindi bilang mataas na sweldo, kotse, kapangyarihan o alinmang paimbabaw na bagay--kundi tagumpay bilang kakayahang lumikha ng sariling landas, kalakasang kumilos patungo sa katuparan ng mga pangarap, dalisay na puso.
Pagdating nang panahong kailangan ko nang bumalik sa pinagmulan nating lahat, payapa akong hihimlay sa kabatirang ikaw ay naging isang mabuting tao.
Ngayon pa lamang, alam kong mamahalin kita nang higit sa aking sarili, lugod ng aking buhay.
Nagmamahal,
Nanay